
16 anyos na Arabic student, pinatay sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur; Ama nito na MILF member, nanindigan na sundalo ang nasa likod ng pagpaslang
HUSTISYA ang sigaw ng MILF-BIAF member na si Salahudin Esmail para sa kaniyang anak na pinaniniwalaang pinahirapan muna bago tuluyang pinatay.
Kinilala ang biktima na si Abdulrahman Esmail, 16 anyos, Hafidz student na residente ng Tuayan Mother, Datu Hoffer, Maguindanao del Sur.
Kwento sa Radyo Bida ng ama nito na si Salahudin, pasado alas-singko ng hapon noong araw ng Linggo ay minaneho ng kaniyang anak ang motorsiklo ng pinsan nito upang pumunta sa alaga nilang baka na nakatali sa niyog.

May nakakita umano na hinarang ito ng mga sundalo upang tingnan ang tool box nito.

Mula sa oras na yun, sinabi ni Ginoong Salahudin ay hindi na nakabalik ang kaniyang anak.

Pagsapit ng alas nuebe ng umaga noong Lunes, nakatanggap sila ng tawag mula sa Barangay Kapitan at sinabing magdala ng kumot.
Ayon kay Ginoong Salahudin, wala siyang alam na dahilan kung bakit ito ginawa sa kaniyang anak maliban sa mga bala ng baril na nasa tool box ng motor.
Pero hindi aniya ito rason para patayin ang kaniyang panganay na anak.
Base sa pagsasalarawan ng ama, tinalian sa kamay at paa, binaril sa dibdib, basag ang mukha at ulo na indikasyon na tinorture ang kaniyang anak.
Dahil dito, nananawagan ng hustisya si Salahudin para sa kaniyang anak.
SAMANTALA, sa panayam ng Radyo Bida kay 601st Infantry Brigade Commander BGEN Oriel Pangcog, ito ay patuloy niyang bineberipika.
Aniya, hindi gawain ng sundalo na pahirapan ang mga sibilyan.
via l DXMS Radyo BIDA Cotabato City